Greetings to Readers

Welcome to my blog! All of these are my creations inspired by my thoughts, experiences in everyday life and other writers. I feel happy every time the number of visitors viewing my blog increased, well, who doesn't? You are free to leave your opinions and comments if you want. Enjoy your stay :)

October 15, 2011

Wikang Filipino: Mahalagang salik sa pagpapahayag ng Karapatang Pantao

Ang panahon ng Amerikano ang nagbigay-daan upang sumilang ang mga dulang tuwiran at di-tuwirang tumutuligsa sa pamahalaan. Nariyan ang Walang Sugat ni Severino Reyes, ang Tanikalang Ginto ni Juan K. Abad at Kahapon, Ngayon at Bukas ng katipunerong si Aurelio Tolentino. Bawat isa ay tumalakay sa mapagbalatkayong pakikitungo sa atin ng mga Amerikano. Sa panahon ding ito, ipinahiwatig ng mga Pilipino ang epekto ng kulturang Amerikano sa buhay ng mga Pilipino. Ang paksa ng ekonomiyang kapitalista ay tinuligsa sa Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, ang pang-aapi ng mga panginoong maylupa ay nabasa sa Walang Panginoon ni Deogracias Rosario, at sa lahat ng ito, nakarating hanggang sa kasalukuyan ang hapdi ng pananakop sa mga titik ng tula na naging awit na Bayan Ko ni Jose Corazon De Jesus.

Sa panahong kasalukuyan, kalabisan na marahil kung uulitin pa natin ang malinaw na katotohanang walang ibang wikang ginamit ang Dalawang EDSA upang makahikayat ng libu-libong Pilipino kundi ang wikang Filipino. Mula sa Magkaisa hanggang sa Gloria Labandera ay wikang sarili ang laging nagsasalamin sa hinaing ng mga Pilipino. Pagdating ng eleksyon, wala ni isang kandidato ang nagpilit na magpa-Ingles-Ingles sa harap ng madla. Sa buong proseso ng pagpapatalsik sa dating Pangulo, di miminsang nagtalo pa ang mga senador sa kung anong uri ng varayti ng Filipino ang gagamitin. Hindi nga ba’t kahit yaong matataas ang kalibre sa pagsasalita ng Ingles at maging yaong hindi Tagalog ay nagsalita ng Filipino upang maiparating lamang ang kanilang mga pananaw sa milyun-milyong Pilipinong nanonood at sumusubaybay? At masasabi kong higit sa lahat, pagkat siyang pinakamaimpluwensya, pagmasdan at pakinggan ang wika ng mass media. Ang dati-rating mga wikang Ingles ang gamit sa pagbabalita at paglilingkod ay mabilis na nagbago patungo sa paggamit ng wikang Filipino. Maging ang mga telenobela at cartoon na kinahihiligan sa araw-araw ay kinailangang isa-Filipino upang subaybayan. At sa lahat ng ito, natutuhan na ng mga bata ang mga batayang konsepto sa matematika, agham at teknolohiya sa sarili nating wika.
        
Sa kabuuan, bagamat dalawa ang madalas na ginagamit na wika ng ating bansa, Filipino at Ingles, hindi maikakaila na kung ang nais natin ay tapat at tuwirang pagkakaunawaan, Filipino ang DAPAT UPANG MAIPAHAYAG ANG KARAPATAN NG BAWAT MAMAMAYAN! ANG WIKANG ITO AY SUBOK NA NG KASAYSAYAN! ANG WIKA RING ITO ANG MAGBUBUKLOD SA SAMBAYANAN!

No comments: