Isa na siguro ang Pilipinas sa may pinakamaraming tradisyon na pinaniniwalaan tuwing papasok ang Bagong Taon, bagamat ang iba ay hango sa tradisyon ng ibang kultura ay di pa rin maikakaila na karamihan dito ay tunay na kulturang Pinoy. Ang Bagong Taon ay maituturing na pangalawang bahagi ng kapaskuhan ng mga Pilipino at minsan ay kadugtong mismo ito ng isang linggong pagdiriwang ng Pasko. Ngunit ang pagsalubong ng mga Pilipino sa Bagong Taon ay pinagsamang kultura ng mga Tsino at ng mga Espanyol at sinamahan na ng pagbabago ng sistemang Pilipino na siyang bumuo ng masaya, maingay at minsan pa nga ay ang mapanganib na pagdiriwang nito. Sadyang ang Pilipinas ay namumukod tangi at kakaiba kumpara sa ibang bansa pagdating sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Ipinagdiriwang natin ang pagsalubong sa pagpasok ng Bagong Taon ng napakakulay at may napakasayang pamamaraan. Ito rin ang dahilan kung bakit marami sa mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa o Overseas Filipino Workers (OFW) ang tunay na nalulungkot kung hindi nila maipagdiwang ang Bagong Taon sa sariling bayan. Talaga naman kasing namumukod tangi at kakaiba ang pagsalubong nating mga Pilipino sa Bagong Taon kumpara sa ibang bansa.
May ilang mga tao akong napagtanungan ukol sa kung paano nila ipinagdiriwang ang kanilang Bagong Taon sa ibang bansa. Ayon kay Gng. Perla Bondoc, “Dito sa L.A. parang hindi sine-celebrate ang New Year. Hindi uso handaan dito, mas gusto kasi ng mga tao dito puro inuman. Yung mga kabataan dito pupunta sa mga clubs at doon hihintayin ang countdown. Meron naman sa New York, Manhattan at sa Time Square bibilang lang ng sabay-sabay para sa countdown tapos may lalabas na lobo na nakasulat WELCOME 2011, ginagawa din ‘yan sa Las Vegas at dito sa lugar namin sa Queen Mary. Meron din namang mga fireworks sa ibang lugar tulad na lang sa downtown New York, Disney at Knotts Berry.” Ang isa namang napagtanungan ko ay nakatira sa Egypt, ayon sa pahayag ni Basem, ang pakikipagkamay ang pinakakilalang paraan ng pasasalamat sa pagpasok ng Bagong Taon sa Egypt at gaya sa ating bansa ay nagkakaroon din sila ng salu-salo ngunit hindi sila gumagamit ng paputok.
Kilala tayong mga Pilipino sa pagkakaroon ng napakaraming paniniwala at tradisyon tuwing sasalubungin natin ang Bagong Taon. Isang paraan nito ay ang pagpapasabog ng paputok. Kung sa ibang bansa ang pagpapaputok ay ginagawa lamang ng kanilang kumpanya o di naman kaya ay ng kanilang pamahalaang lokal, dito sa Pilipinas ay kanya-kanyang paputok at fireworks ang bawat tahanan. Ugali na rin ng mga tipikal na Pilipino ang pagpapaputok ilang araw bago sumapit ang Bagong Taon. Makakakita ka rin sa mga bangketa ng mga naglipanang paputok na mayroong iba’t-ibang klase. Mga halimbawa nito ay rebentador, super lolo, super pla-pla, trianggulo (hugis tatsulok na paputok), bawang, sinturon hi hudas, jumbo fountain, whistle bomb, lusis at iba pa. Medyo mapanganib lamang sa mga lansangan sa Pilipinas dahil sa mga paputok na inihahagis ng mga taong mahilig dito o di naman kaya ay aksidenteng bumabagsak sa mga bahay. Ito ang dahilan kung bakit ipinagbawal ng pamahalaan ang pagbebenta at paggamit ng mga paputok na sobra ang lakas. Sinimulan din ng mga workers ng Department of Health at lokal na sangay ang OPLAN PAPUTOK na naglalayong magbantay para magbigay gamot sa mga naputukan sa pagdiriwang. Ang pinakamalaking industrya sa larangan ng mga paputok sa Pilipinas ay matatagpuan sa Bocaue at Santa Maria Bulacan, sa kanila kumukuha ng pangangailangan ng mga paputok dito sa Pilipinas.
Meron pang isang kaugalian na hindi pwedeng mawala sa mga Pilipino tuwing Bagong Taon, at iyon ay ang pagkakaroon ng Media Noche. Ang Media Noche ay ang pagsasalo-salo ng mag-anak sa hapag kainan pagsapit ng alas-dose ng hating gabi. Importante dito na kasama ang bawat kasapi ng pamilya dahil sa ito ang unang pagkain nila sa bagong taon. Ayon sa paniniwala ng mga matatanda, kapag sama-sama ang pamilya sa Media Noche ay magiging matatag din ang kanilang samahan sa buong taon. Pinaniniwalaan din ng mga Pilipino na ang Media Noche ay tulad ng Noche Buena na nagmula sa mga Kastila.
Kung pag-uusapan naman ang mga paniniwala at gawi sa pagsalubong sa Bagong Taon ay tiyak na nangunguna tayong mga Pilipino. Maraming mga tradisyon ang mga Pilipino dahil sa paniniwalang ang mga ito ay makapagbibigay swerte sa mga susunod dito. Naniniwala rin ang mga Pilipino na wala namang mawawala kung susubukan man ang ilan sa mga ito. Narito ang ilan sa mga paniniwala, gawi at tradisyon na popular sa mga Pilipino tuwing sasalubungin ang Bagong Taon. Pinakauna dito ay ang pag-iingay tuwing Bagong Taon, ginagawa ito sa pamamagitan ng pagpapaputok, paghihip sa torotot o maging pagpalo sa mga kaldero. Ang paniniwalang ito ay nagmula pa sa mga Intsik, patuloy pa rin itong isinasagawa magpa sa hanggang ngayon dahil sa paniniwalang makapagpapaalis ito ng mga masasamang elemento at espiritu na nasa kapaligiran at naniniwala rin ang mga Pilipino na ang pag-iingay ang makapagbibigay sagana sa Bagong Taon ng pamilya. Isa pa sa mga pinakasikat na tradisyon ng mga Pilipino ay ang paglalagay ng sensilyo o barya sa bulsa dahil sa paniniwalang masagana ang pasok ng pera para sa Bagong Taon. Sinasabi rin na kailangang buksan ang lahat ng bintana, ilaw at pintuan para ang lahat ng grasya ay pumasok sa iyong tahanan gaya ng pagtanggap sa Bagong Taon. Ang iba naman ay naniniwala na dapat magsuot ng polka dots dahil ito raw ay sumisimbolo sa pera. Ang iba pang mga paniniwala ay ang pagtatabi ng bigas, asin at asukal upang maging masagana ang takbo ng buhay; paglilinis ng mabuti sa tahanan bago sumapit ang hating gabi; pagluluto ng mga pagkaing ginagamitan ng pasta dahil sa paniniwalang nakapagpapahaba daw ito ng buhay; paghahanda ng labindalawang bilog na prutas sa hapag-kainan gaya ng cantaloupe, ubas, peach, orange, plum, promenade, pakwan, lemon, pear, apple, chico, at avocado; pagkain ng labindalawang ubas pagsapit ng ika-alas dose para suwertehin sa buong taon; pagbabayad sa lahat ng mga pinagkakautangan bago pumasok ang Bagong Taon at ang pagtalon ng paulit-ulit pagsapit ng alas-dose para madagdagan ang taas.
At ang pinakahihintay ng lahat ng pamilyang Pilipino, ang COUNTDOWN. Ang countdown para sa Bagong Taon ay magkakaiba batay sa bawat pamilya o bawat rehiyon. Sa pagpatak ng alas-dose ng hatinggabi, ang ingay ay nakakabingi, kililing ng mga kampana, mga paputok na naghahari sa kalangitan, mga bata ay napapanganga sa paghanga sa kanilang nakikitang iba’t ibang paputok na namumukadkad sa kalangitan. Ang kalampag at kalantog ay tumataas hanggang sukdulan kung saan ay kasali na rito ang mga bumabatingting ng mga lumang palayok at kawali, busina ng jeep, kotse o motorsiklo, sirena ng ambulansya hanggang mag-isang minuto para sa countdown ng Bagong Taon. Isa rin sa mga paboritong gawin ng mga bata ay ang pagtalon ng labindalawang beses para sila tumangkad sa darating na taon, kung mataas ang talon ay magiging mataas rin ang iyong paglaki. Ang malakas na ingay sa kasayahan ay hind ilang para sa pagdiwang sa Bagong Taon, ito rin ay para sa pagpapa-alis sa mga masasamang espiritu. Bandang 12:15 ng hatinggabi, ang ingay ay biglang humihinto at ang mga agay-agay ay puno ng mga boses at ang mga pamilya ay nagsisimula ng kumain ng kanilag handa para ipakita ang pagpapasalamat na kung tawagin ay “Media Noche”. Pinapaniwalaan na dapat maghanda ng maraming pagkain sa hapag kainan para sa susunod na Bagong Taon ay magkaroon ng pagkain sa buong taon. Labindalawang bilog na mga prutas na dapat nasa hapag kainan dahil ito ay sumisimbulo sa kasaganahan para sa susunod na labindalawang buwan. Mayroon din misa sa hatinggabi para sa pagtanggap sa Bagong Taon at para pasalamatan ang Diyos sa lahat ng kanyang mga biyaya.
Mayroon ding sikat na pagdiriwang ang mga Pilipino tuwing Bagong Taon, ito ay ang Pista ng Tatlong Hari (Tres Reyes), kilala rin ito sa tawag na Pista ng Epipanya. Ang Pista ng Tatlong Hari ay tradisyunal na ipinagdiriwang sa Enero 6 pero ngayon ito ay ipinagdiriwang na sa unang lingo pagkatapos ng Bagong Taon. Sa loob ng daan-daang taon ay sinasabing ang Tatlong Hari at hindi ang kinikilalang si Santa Claus ang orihinal na nagbibigay ng regalo sa mga bata. Nag-iiwan sila ng mga medyas at sapatos sa bintana ng kanilang tahanan at sabik na naghihintay sa mga regalong ibibigay ng Tatlong Hari sa kanilang pagdaan tungo sa Bethlehem. Maraming dekada na ang nagdaan simula nang mag-organisa ang Casino EspaƱol ng parada ng Tatlong Hari upang ipagdiwang ang naturang selebrasyon. Ang mga gumaganap sa papel na Tatlong Hari ay may magagarang kasuotan na nakasakay sa mga kabayo habang pumaparada. May mga regalong nakahanda para sa mga kabataan na ipinamimigay sa komunidad ng mga Espanyol at sa iba pang mga bata pagkatapos ng magarang parada.