Noong bata pa lang ako ay mahilig na 'kong mangalikot ng kung ano-anong mga bagay. Isa sa mga madalas 'kong paglaruan noon ay yung mga libro na inaalikabok sa bodega ng bahay namin, nakakatuwaan ko silang tingnan kase namamangha ako sa mga picture na nakikita ko. Di pa ko marunong magbasa noon kaya kinukulit ko ‘yung mga tao sa bahay para basahan ako at ipaintindi sa’ken iyong mga bagay na nasa litrato kahit na minsan di ko naman talaga maintindihan at tango lang ako ng tango, at iniiyakan ko sila kapag ayaw nila. Naalala ko pa nga ‘yung araw na inaway ko yung kaklase ko dahil pinakialaman niya ‘yung dala kong story book at dahil sa pangyayaring ‘yon ay medyo natakot sila sa’ken. Simula ng matuto akong magbasa ay wala na kong ibang ginawa kundi magbasa ng magbasa lalo na ‘pag sapit ng bakasyon.
Noong high school na ako ay di ko inakala na mas titindi pa pala ang pagkahilig ko sa libro. Tinitipid ko ‘yung baon ko at di kumakaen pag recess para sa bisyo ko, OO bisyo! Nakakatawang pakinggan pero ‘yan talaga ang tawag ng nanay ko diyan at madalas pa nga kameng mag-away dahil sa bisyo ko, pero ano magagawa ko? First Love ko ang pagbabasa. Pagsapit ng Sabado at Linggo ay di mo ako matatagpuan sa bahay, nasa mall ako pero di para mag-gala at kumaen, sinusuyod ko ang mga bookstore na nagbebenta ng second hand books at doon ako bumubile ng libro, minsan window shopping para mapag-ipunan ko 'yung susunod na libro. Ayos na sa’ken kahit second hand, di naman ganoon kaimportante 'yung cover at itsura ng libro, mas importante pa rin 'yung laman. Dahil pangalawang gamit na yung mga librong binibili ko ay kailangan ko pang bumili ng plastic cover para ibalot sa mga binili ko. Uuwi ako ng mayroong ngiti sa labi dahil marami akong naiuwing kayamanan. Kung ang nanay ko tinatawag silang bisyo, itinuturing ko naman silang KAYAMANAN ng buhay ko dahil sa pagbabagong naidulot nila sa akin at ang karunungang taglay nito.
Unti-unti ko na ring inaalis ang pagbabasa ng mga babasahin na may litrato. Gusto ko kasi magkaroon ng kapangyarihan na sinasabi ng nakararaming mambabasa, oo, kapangyarihan ang tawag nila. Ang kapangyarihan na tinutukoy ko ay ang kakayahang bumuo ng sariling mga imahe, litrato at senaryo sa isip. Sa palagay ko ay mas maganda ito dahil bukod sa lalawak ang imahinasyon mo ay pwede ka pang pumunta sa mga lugar na gusto mong bisitahin, libre pamasahe!
Kakaibang tuwa at galak ang nararamdaman ko tuwing nakikita ang mga libro sa kabinet ko, na dugo’t pawis ang puhunan, sigaw ng nanay ko, oras at effort. Tuwing makakatapos ako ng isang libro ay malaking achievement na iyon para sa akin at feeling ko ay napakataba ng utak ko. Nangangarap nga ako na balang-araw ay magkaroon ako ng mini library sa bahay ko at alam kong isa iyon sa mga pinakamasayang bahagi ng buhay ko. Maaaring sa tingin ng iba, ang pagbabasa ay corny, boring at sayang sa oras, pero doon sila nagkakamali, ang pagbabasa ay isang simpleng gawain lamang ngunit talaga namang maaaring magdulot ng napakalaking pagbabago sa buhay ng isang indibidwal. Pagbabago na maaaring magdala sa iyo at sa nakararami sa rurok ng tagumpay.
No comments:
Post a Comment